Wednesday, June 3, 2015

Sa Ngalan ng Ama, ng Anak at Espiritu Santo.

Sa Ngalan ng Ama, ng Anak, at ng Espiritu Santo, Amen. Leche! Ang tagal ko ng hindi naniniwala sa pagdadasal na yan.  Wala naman naitutulong na mabuti yan sakin eh.  Araw-araw na lang akong nagdudusa at nahihirapan.  Bakit ganun? Parang ang paghihirap ko ay walang katapusan?

Araw-araw na lang akong pumapasok ng simbahan at nagdadasal habang naglalakad ako ng paluhod sa Quiapo at Baclaran pero bakit wala pa ring nangyayari sa hinihiniling ko?  Minsan inisip ko pinagkaitan talaga ako ng tadhana.

Sige, ikaw ba naman ang ipanganak bilang panganay na anak sa isang maralitang bahay na halos isang kayod isang tuka?  Panganay nga ako pero 10 naman kaming magkakapatid! Bakit di kaya naisip ng mga mga magulang ko na nakaka-bad trip yung ginawa nila? Hindi ba nila naisip na habang sila eh nasa rururok ng kaligayahan eh may mga bata na magugutom at hindi makakakain dahil sa labis nilang paggawa ng anak? Taun-taon na lang eh nanganganak ang nanay ko!

Eto pa, 10 na nga kaming magkakapatid eh bigla pang iiwan ng tatay ko ang nanay ko! Aba! Matindi! Ngayon ako aasahan ng nanay ko na kumayod para sa amin? 16 pa lang ako pero hinahangad ng nanay ko na makapangasawa ako agad ng mayaman at ng mawala kami sa putik na kinakasadlakan namin!

Umaga na naman pala! Pangatlong araw na iniwan kami ni tatay. Ang nanay ko naman eh nagtutulug-tulugan na naman at iniisip ata nya na babalikan pa kami ni tatay samantalang ang tsismis nga eh sumama na sa matandang babae para maiahon siya sa hirap.  Ako bilang panganay ang bibigyan na naman ng responsibilidad upang kumayod at magasikaso sa lahat ng kapatid ko.

Hayaan sige, bilang ate, ako na gagawa ng lahat, magluluto ng almusal papaliguan ang mga bata tapos ihahatid sa eskuwelahan at dun naman ako kakayod at magkakakalkal ng basura para makabenta man lang ng kalakal upang makakain kami ng tanghalian at hapunan.

Gutom na gutom na nga ako pero dahil bilang ate kailangan ko magsakripisyo para sa mga kapatid ko na sila muna ang kumain bago ako.  Alam nyo, mahirap ang buhay naming kasi di namin alam kung saan kami kukuha ng pambili ng pagkain eh. Tapos paglabas mo pa sa kalsada, sisingilin ka pa ni Aling Maria dahil may utang pa kaming limang de lata ng sardinas na hindi pa bayad. Pagdating mo sa traysikelan eh puro polusyon ang malalanghap mo pa. Ni hindi ka pa nga nakakalayo eh amoy usok at basura ka na eh!

Ano pa ang aasahan ko sa pagdadasal? Wala diba? Kung nakikinig talaga ang Diyos sa mga panalangin ko eh di sana kahit ung kinakain man lang namin eh nabibigyan ng solusyon at hindi talaga kami nag-iisip! Eh hindi eh! Kaya yang sinasabi niyong Diyos niyo parang hindi totoo dahil kung mahal Niya lahat ng nilikha Niya hindi kami malilipasan ng gutom.  Minsan iniisip ko na lang din na kitilin ang buhay ko eh pano pa kami mabubuhay kung ganito? Mahirap ang sitwasyon namin, mahirap na iisipin ko saan ako kukuha ng pangkain, pangmatrikula ng mga kapatid ko. 

Alam ko na! Bakit nga kaya di lang ako pumasok dun sa bar sa kanto namin.  Wala naman masama kung magsasayaw lang ako eh, wala namang pwedeng mangyari sakin dun. Siguro naman papasa akong 18 na, sabi kasi nila bawal ang menor de edad.  Kung gagawin ko ung baka pwede pa kaming kumain ng maayos.

******
Ayan na nga ba ang sinasabi ko eh!! Tatlong taon na ako na nagpuputa eh wala pa rin nangyayari sa buhay namin! Namatay na ang nanay ko tapos etong apat ko naman na kapatid eh drug addict na! Yung iba ko namang kapatid na babae eh nagsipag-asawa n asana etong bunso na lang ang matirang matino sa amin at makapagtapos ng kolehiyo.

Napadaan nga ako nung isang araw sa Quiapo eh nakita ko ung mga nagdadasal ng paluhod dun, tinawanan ko lamang dahil alam ko kahit magasgas pa ang tuhod nila kakalakad ng paluhod eh walang mangyayari.  Wala rin naman makikinig sa kanilang Diyos dahil hindi totoo un eh! Walang Diyos! Wala un! Dahil lahat na ginawa kong pagdadasal simula nung nagkaisip ako pero puro hirap pa din eh. Walang kwentang magdasal sa Diyos niyo!

******
Si Nene nakatapos na ng kolehiyo sa wakas! Kahit papano ang aking paghihirap at pagdudusa bilang bayarang babae eh nagbunga naman.  Malapit na nga siyang magumpisa bilang sekretarya sa isang maliit na kumpanya.  Sabi ko nga ok na yan kesa maging pokpok kang kagaya ko!

Buti nga at nagkapagumpisa na siya ng trabaho at kahit papano makakapagbigay na siya sa bahay kasi lahat ng kapatid namin ay puro asa ang alam at pati mga asawa at anak nila eh inaasa na nila sakin. Halos wala na nga akong pahinga sa pagpasok sa bar eh.  Kahit sino na nga eh pinapatulan ko kahit bata o matanda pa yan, sayang yan pera din yan.

Ngunit ngayong araw na to, parang hindi ko kayong pumasok sa trabaho eh.  Nilalagnat ako ng tatlong araw na at inuubo. Minsan pa eh parang bigla akong bumagsak habang naglalakad sa kalsada. Pinipilit ng kapatid ko na ako ay magpakonsulta sa doctor na baka gawin ko din bukas pero dagdag gastos pa eh. Di bale sasahod naman na si Nene eh kahit papano ung gagastusin ko eh pwede ko muna iutang kay bunso.

******
Sa klinika ng doctor dito sa Maynila:

Doktor: Iha, hindi pa kami sigurado pero base sa mga resulta ng mga test na ginawa sayo, may AIDS ka at alam mo naman na hindi na magagamot ang AIDS. Ikinalulungkot ko pero may taning na ang buhay mo.

******
Nahihilo akong lumabas ng klinika ng doktor. May AIDS daw ako. Alam ko naman na hindi imposible yun eh pero nakakabigla lang kasi bata pa ako eh! May mga pangarap pa rin naman ako. Akala ko bago ko mag-edad na trenta eh makakapangasawa pa ako. Gusto kong umiyak, magpakamatay pero wala ng mangyayari eh mamatay pa din naman ako.

Habang naglalakad ako pauwi nasilayan ko ang Quiapo, inisip ko naman na pumasok kaya ako at kahit sa huling beses eh humiling ako at humingi ng tawad sa Kanya. Siguro naman kahit sinumpa ko Siya at kinuwestiyon ko ang kapasidad Niya eh mapapatawad pa din nya ako.

Sa huli pumasok na ako at nagdasal ulit. Sa simbahan ko iniyak lahat ng hinagpis at problema ko. Dun ko nilabas lahat ng sama ng loob at katanungan ko sa Kanya. Bago ako umalis may lumapit na matanda at tinabihan nya ako sa upuan.

Ang tanging sinabi niya sa akin eh, “Anak, napansin ko parang nahihirapan ka na.  Huwag kang magalala lahat ng hirap mo ay nakita Nya at naramdaman din Niya iyon. Tandaan mo parati sa laban ng buhay mo eh kasama mo Siya at Siya lamang ang nagiisang kayang sumalba sa iyong kasalanan at pagdudusa. Mahal ka Niya, yan ang tatandaan mo.”

Kumurot sa puso ko ang sinabi ng matanda at habang nakayuko ako eh inabot nya sa akin ang panyong puti  na pamahid ng luha ko. Nang iangat ko ang ulo ko hinanap ko ang matanda para magpasalamat at hagkan siya ngunit pagtingin ko wala naman akong katabi.

Sa puntong iyon puro iyak na lang ang aking ginawa pero parang ang gaan ng aking pakiramdam.  


Sa Ngalan ng Ama, ng Anak, at ng Espiritu Santo. Amen. 

********************************
Disclaimer: The story is entirely fictional and created by the owner of this blog, any similarity in character, name and location to a real person is unintended and the above story does not refer to anyone in particular. 

Disclaimer: Ang maiksing istory na ito ay kathang-isip lamang ng may-ari ng blog.  Kung mayroon mang pagkakahawig nito sa tunay na buhay, ito ay hindi sinasadya ng writer.  Ang istoryang ito ay hindi pinapatungkulan ang kahit sino. 

No comments:

Post a Comment